Saturday, April 10, 2010

Bilanggo

Bilanggo

ni: Shielah Ilagan

Kagabi….

Mainit..tagaktak ang pawis sa noo’t anit habang pinapaypayan ka ng nanay mo…hindi kayang pawiin ng electric fan ang katas na dumadaloy sa mura mong katawan .

Maalingasaw … pinagsamang panghe, amoy ng dugo at pawis ang nalalanghap sa nanggigitatang kubre kamang iyong kinahihimlayan.

Masikip…. Parang sardinas kayong apat na nagsisiksikan sa iisang kama…pahalang, pahaba… nakabaluktot…nakasubsob…hindi malaman kung anong pwesto ang gagawin upang maibsan ang pangangalay ng katawan sa iyong pagtulog.

Alumpihit … umiinat …sumisipa…waring ayaw kang patulugin ng iyong diwa….umiingit para ipahiwatig ang pagkabalisa….ungot …iyak…hele…shhhhh…

Kinaumagahan…

Maingay… sari- saring boses at kwento ang maririnig sa paligid..masaya ..malungkot… mahinahon… malakas na hagalpakan…impit na tawa..hagikgikan …pagkamangha….magandang balita.

Magulo… madaming bisita..si tatay, sina ate at kuya,sina lolo at lola. May kaibigan,kamag-anak, karelasyong kung ano man ….kanya- kanyang kumustahan…balitaan….walang humpay na kwentuhan sa pinagdaanan. May ibang palakad-lakad ..paroo’t parito sa CR…may bitbit na pagkain, kape,instant noodles,o pandesal.

Mas masikip…naghambalang ang silyang plastik sa paligid sa dami ng bisita, kailangang tumayo at magbigay daan upang makaliban lamang sa gilid ng kama upang sa gayon ay mailagay ang gamit, pasalubong at iba pa, sa makipot na side table na pinamamahayan ng langgam.

Nakakahilo….may clinical instructor na nag lelektyur sa mga estudyante ng nursing…habang abala silang pinagmamasdan , sinisipat ,hinihipo at hinihimas ang iba’t ibang parte ng iyong katawan…may kumukuha ng iyong temperatura…pinakikinggan ang iyong paghinga…

Tanghalian…

Mas magulo…mas maingay…animo nasa perya lang …palit-palit ang bantay….may umaalis at dumarating na bisita…ikot nang ikot ang bawat doktor at nars, kanya kanyang usisa, nagbibigay ng gamot…”kumusta pakiramdam mo?”, “ may masakit ba sa ‘yo?”….kukunin ang temperatura at pupulsuhan ka…pakikinggan iyong paghinga….sipat dito sipat doon….

Lumipas ang maghapon…mas mainit….kanya kanyang paypay…sumisingaw ang amoy ng pawis…. Mas masidhi ang amoy ng panghe at dugo… idagdag mo pa ang gamot na nanunuot sa iyong sintido…hindi kayang takpan ng disinfectant ang sangsang.

Kinabukasan…

Masaya ako …dahil makalalabas na kami ng kapatid ko sa Maternity ward na yan….makalalanghap na ako ng medyo sariwang hangin sa labas…kahit may bahid usok…ako’y isa lamang bantay sa pasyente kaya malaya akong makalalabas ….

Malungkot ako…

Maiiwan ka pa rin sa Maternity ward na yan..hindi alam kung kailan papayagang lumabas dahil kapos pa sa pambayad ang iyong ina….Kulang pa ang labindalawang libong sinisingil sa inyo ng hospital…. Isang buwan ka na dyan…dyan na nagkalaman at lumaki ang iyong katawan…dumilat ang nanlalabong paningin at namulat ang munting kaisipan…Dinadalaw ka na lamang ng iyong lola,bitbit ang gatas mo at pagkain ng iyong ina. Isang buwan na kayong nagsisiksikan ng iba’t ibang pasyente sa kamang matigas…lagi kang nakikihati sa espasyo na dapat sana ay para sa isang ina at sanggol lamang. Kaya kahit anong posisyon,iyong tinitiis,makapagpahinga lamang.

Isang buwan ka na sa Maternity ward na yan….ang paglabas ay walang kasiguruhan….marahil marami pang araw ang magdaraan.Marami kayo dyan, hindi ka nag-iisang bilanggo,ang iba ay dalawang linggo o higit pa, ngunit ikaw ang pinakamatagal…

Isinilang ka upang makalaya sa siyam na buwang bahay bata sa sinapupunan…ngunit isa kang bilanggo sa maternity ward,hindi makalabas dahil walang pambayad.

Gusto kong magalit sa nanay mo, sa tatay mo, sa namamahala sa ospital..sa meyor….sa gobyerno… sa sarili ko…dahil wala silang ginawa….wala akong ginawa…

Sana lang nakalabas ka na ng ospital ..nakagawa na sila ng paraan…

Sana maiba ang takbo ng buhay mo sa hinaharap…makalaya sa gapos ng kahirapan.

2 comments:

  1. I love this one Shie, kelan mo to ginawa? galing! :o)

    ReplyDelete
  2. Thank you..
    Just about the same time i created my blog here..but this story happened last year. I rewrote this one

    ReplyDelete