Tuesday, October 5, 2010

Para sa Kapwa Ko Babae

Babae Bumangon ka’t ipaglaban
 Karapatan mong natatapakan 
Huwag mong ipaubaya 
Sa kung sinu-sino lamang
Ang pagdedesisyon 
Sa iyong kapalaran 
 Katawan mo’ng nakasalay
Sa bingit ng kamatayan 
Mula sa paglilihi 
Hanggang sa pag-iri 
Kaya nararapat lamang
 Na iyong nalalaman 
Kung ano ang makabubuti 
Sa iyong kinabukasan 
 Bumangon ka 
Huwag tumihaya lamang 
Isigaw mo sa lahat 
Iyong nararamdaman
 Upang marinig 
At maintindihan 
Hinaing ng iyong pusong 
Nagugulumihanan
 Huwag kang padadala 
Sa sabi-sabi lamang 
Suriing mabuti 
Mga pagpipilian 
Kung nalilito
 May ‘di maunawaan 
Magtanong ka doon 
Sa nakakaalam
 Gising na at bangon
 Huwag mong hahayaan 
Ang iyong dangal 
Ay kanilang yuyurakan 
Ang iyong katawan
 Ay sadyang iyo lamang
 Kaya “ Ikaw,babae,”
 “ Ang tanging nakakaalam.” 
 Hindi ka si Maria Clara 
Na isang sunud-sunuran
 Hindi ka si Sisa 
Na wala sa katinuan 
Hindi ka si Eba 
Na nagpatukso lamang  
Ikaw, babae 
Natatanging nilalang
 May isip at talino 
Na kung gagamitin mo lang 
Wala na sana 
Silang pag-aawayan 
Tungkol sa paglobo 
Ng iyong tiyan.

No comments:

Post a Comment