Hindi na ‘ko sanay sumakay ng ordinaryong bus dahil madalas na lang akong mag –MRT o aircon na bus kapag pupunta sa Quezon City. Pagpunta sa pinapapasukan ko naman,lagi akong naka FX o minsan ay dyipni. Hindi ako sanay sumakay sa ordinaryong bus,pero dahil may nakapagsabi na mabilis daw ang byaheng Novaliches C5, naengganyo akong subukan.Tutoo nga namang mabilis…Napakabilis! Kinakailangan mong kumapit nang mahigpit sa mga upuan kung hindi’y baka malaglag ka na lamang. Pwede naman akong mag –aircon pero dahil sa bawat Loading at Unloading na istasyon, ito’y namamasahero,mabagal pa sa prusisyon ang aming pagtakbo. Kaya minabuti ko na lang na sa ordinaryong bus sumakay, dire-diretso , yun nga lang, kailangan kong mangunyapit na tunay kung nais ko pang mabuhay.
Halos isang buwan akong nagpabalik- balik sa Barangay Bahay Toro para mag-tutor. Sa bawat byahe ng bus, sari- saring tanawin sa kahabaan ng EDSA ang aking natutunghayan. Sari-saring mukha sa kalye ang namamasdan ko, nakatambay, nakangiti, nakasimangot , naiinip, nagmamadali,nalilito at hindi na halos maipinta. Mga ordinaryong taong naghihintay ng bus papunta sa ibat’ ibang sulok ng Metro Manila. Mga vendor na maghapon nang nakabilad sa araw,tinda’y sari -sari gaya ng kendi,yosi, kutkuting mani, mga pamatid –uhaw at panlaman- tiyan. Nakalilibang panoorin ang mga tindahang naghilera sa Cubao,kanya-kanyang pasikat ng “ Sale!”, lalo na yung mga ukay-ukay na may “Welcome ,new arrival”. Marami ring mga taong lansangan na natutulog sa ilalim ng overpass at mga taong- grasa na wala sa sariling nagpapalaboy-laboy. Mga pulis na naka-shades , nakamasid habang nasa lilim ng may mga bubong o overpass at MMDA na astang hari ng kalye.
Iba’t ibang tao ang nakasakay ko sa ordinaryong bus na halos lumipad sa bilis ng pagpapatakbo ng mamang drayber. Madaming nagtitinda ang manhik- manaog para ilako ang malamig na mineral water, mani, kasoy at kung anu-ano pa. Mayron din namamalimos na umaakyat para magbigay ng sobre na may nakasulat , ” para po sa pagkain naming mag-ina” o “ para po sa pagkain naming magkakapatid”. Sa byahe, naranasan ko na manigas ang buhok na parang alambre dahil sa pagaspas ng hangin at mangutim ang mukha sa usok na animo pulbos na dumikit sa aking mukha. Kapag bukas lahat ng bintana ng bus, medyo maaliwalas naman dahil sa pagaspas ng hangin pero kapag nakatigil… Ang init! Kapag umuulan at sarado,hay naku, nakakahilo ang amoy sa loob at napakaalinsangan , palibhasa’y walang singawan …
Habang nasa byahe,madalas akong alerto sa mga tao sa paligid ko. Nagmamasid-masid ako sa mga kasakay ko. Medyo praning ako dahil meron na akong karanasang maholdap sa dyip kaya medyo hindi ako kampante sa pagsakay-sakay lalo pa at hindi ako masyadong pamilyar sa lugar. Madami rin akong kwentong naririnig tungkol sa holdapan sa bus o isnatsan. Palibhasa’y patay na oras ang byahe ko, madalas 12:00 ng tanghali, mangilan-ngilan lamang ang pasahero kapag sumasakay ako sa may Megamall,minsan wala pang sampu,dumarami lamang pagdaan sa Cubao at SM West. Madalas ay nililingon ko ang mga kapwa ko pasahero,tinitingnan kung may kahina-hinala sa paligid. May dalawang byahe akong tumatak sa aking isipan.
Sa byahe, dalawang beses akong may nakasakay na dalawang magkaibang babae. Ang unang babae, nakasakay ko sa Megamall pa lang. Nakaupo sya sa aking likuran.Habang binabagtas ng bus ang kahabaan ng EDSA,napalingon ako sa likod,nakakunyapit ang kanyang maruming kamay habang halos maputol sa pagyugyog ang ulong natutulog. Naninigas sa dumi ang kanyang buhok at nanlilimahid ang kanyang puting unipormeng pang –nars na suot.Medyo natakot ako sa aking nakita,nag aalangan ako’t dili kung lilipat ng upuan,kasi hindi ako sanay na may makasakay na ganoon ang ayos. Ngunit mahirap tumayo dahil napakabilis ng takbo ng bus,kaya nanatili ako sa kinauupuan. Paghinto sa bus stop at umalingawngaw ang boses ng konduktor “Cubao,yung bababa ng Cubao!”, tumayo ang aleng nasa likuran. At saka pa lamang ako nakahinga nang maluwag .Napaawa naman ako nang napansin ang kanyang patpating katawan at ang suot nyang sinelas na gawa sa banig ay sobrang pudpod na halos kalahati na lamang ang natitira. Bitbit ang kanyang maliit na bag at isang puting plastik sando bag, lulugo- lugong naglakad papuntang Araneta Center ang babae. Napahiya ako sa aking sarili sa takot na naramdaman,ngunit hindi ko lang talaga maiwasan dahil hindi naman ako sanay sumakay at may makasakay na katulad nya sa ganoong bus.
Ang isa pang babae ay nakasakay ko sa Munoz. Maulan noon, kaya maraming pasaherong sumakay. Bitbit ang kanyang payong at bag, nagpunta sya sa aking upuan na malapit sa drayber.Nagulat ako dahil naka-surgical mask pa sya ,pero pinag bigyan- daan ko sya para makaupo sa may bintana. Mabilis nyang inayos ang payong, tinanggal ang mask , nagbukas ng bag at inalabas ang mga laman ng bag. Lumapit ang konduktor para mag- tiket, nagtanong ,“ Saan po kayo?”. Sumagot sya , “ Novaliches”. Sinabi ng konduktor kung magkano ang pamasahe. Sumagot ang ale “ Hindi pa binibigay komisyon ko, singilin mo na lang dun sa Libis.” Nagulat ako sa tinuran ng ale, pati mga nakaupo sa malapit na nakarinig. Nagkatinginan kami. Hindi na lang nakaimik ang mamang konduktor.. Inatake na naman ako ng nerbyos, hindi malaman kung lilipat ako ng upuan o ano ang gagawin..pero nanatili ako sa tabi nya. Maya –maya ay nagsalita na sya sa sarili,hindi ko naintindihan dahil puno ng takot at kaba ang dibdib ko. May kinuha sya sa bag, isang pakete ng Fita, at kumain,nang matapos ay itinapon lang sa sahig ang wrapper at nagbukas muli ng bag. Inilabas ang parang nakabalot sa medyas na kulay abo,nabantad ang baon nyang inumin na kulay green. Hindi ko mawari kung pwede ko ba syang lingunin o baka magalit kapag ako’y napatingin, kaya’t minabuti ko na lang na tingnan sya sa sulok ng aking mata. Hindi mo iisipin na wala sa katinuan ang ale dahil sa maayos nyang hitsura pero kakaiba naman ang kanyang pananalita. Napansin ko na malinis naman sya, may pedicure pa nga sa kuko at may relo pa. Abot ang dasal ko na sana’y makarating na ako sa aking destinasyon. Hindi ko malaman kung paano ang gagawin ko pero talagang matindi ang nerbyos ko.
Kakaiba ang dalawang babaing nakasakay kong yun,habang sakay ng bus na byaheng Novaliches C5. Sari-saring tanong ang naglaro sa aking isipan “ bakit sila nagkaganon?” . “Ano’ng nangyari at tinakasan sila ng katinuan?”. “Hindi ba nila nakayanan ang mga pagsubok na dumagok sa byahe ng kanilang buhay ?” .Hindi ko na malalaman kailan man ang kanilang kwento, pero sapat nang ipagpasalamat sa Diyos na nasa katinuan pa ang aking isipan. Sapat nang magpasalamat na binibigyan Nya ako ng lakas para harapin ang mga pagsubok sa buhay. Ordinaryong pasahero lamang ako na nakikipagsapalaran sa byahe ng buhay,pero kapag ako’y nangunyapit sa Diyos, ligtas akong makararating sa paroroonan.
No comments:
Post a Comment