Wednesday, June 9, 2010

Scratch Paper

Sa iyo nagsisimulang tumubo
Hanggang magkasanga
Ideyang naglalaro sa malikot na isip at diwa

Sa iyo nagsisimulang mabuo
Sari-saring salita at talata
Kwentong pinagtagni tagni ng buhay at pag -asa

Sa iyo nagsisimulang gumalaw
Alumpihit na kamay at lapis
Nagsimulang magkahubog at magkahugis
Larawang nais iguhit at ipinta

Sa iyo naibubuhos
Hinagpis at pagpupuyos
Pati pagkakamali
Walang paghuhusga at pagkukunwari

Tinatanggap bawat dagok
Panggigigil at pighati
Pagbuhos ng ngitngit
Luhang kaypait
Tagaktak ng pawis
Sa bawat katagang naisulat sa galit

Sa iyo naibubulalas
Kaligayahang nag-uumapaw
Sa iyo naibabahagi
sikretong walang may alam
Sa iyo naipapa-alaala
Bagay na maaaring malimutan
Sa iyo’y nasasabi lahat ng kasiyahan

Bawat kinikimkim, bawat saloobin
Bawat alaala, bawat pag –ibig
Bawat kwento , bawat karanasan
Bawat paglalakbay, bawat narating
Sa manipis mong katawan
Diwa’y nagkalaman
Nagkahubog, nagkabuhay
Umani ng papuri at kaligayahan

2 comments: